Monday, March 14, 2011

ekyumenikal na Pananambahan

Ekyumenikal na Pagsamba

Kadiwa Public Market

Ika 14 ng Pebrero 2011

Hudyat ng pagsisimula:

Tawag sa Pagsamba

Tagapanguna: Halina’t sumama sa Diyos na buhay,

Halina’t makiisa sa mga dukha at salat.

Halina’t sumama sa pagkilos tungo sa ganap na kalayaan. Halina’t labanan ang anumang di sang – ayon sa kalooban ng Diyos. Halina’t sumama sa Diyos na buhay, ang Diyos ma kasama natin sa pakikibaka.

Awit ng Papuri at Pagpupunyagi

Sumasaakin ang Espiritu

Koro: Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon

Ako’y hinrirang niya upang tumugon

Sa daing ng mga aba, at ihatid sa mga dukha

Ang magandang balita ng kaligtasan.

Singugo ako upang ipahayag, ang kalayaan sa mga bihag

Bigyang paningin ang mga bulag

Dalhin ang nasa dilim sa may liwanag.

Ang inaapi at ang sinisiil, ay hahanguhin sa mga hilahil

At ipapahayag ang pagsapit ngayon

Ang tanging pagliligtas ng Panginoon.

Panalangin ng Bayan

Tugon: Dalangin namin, O Diyos ay dinggin

Kapayapaan mo’y aming tanggapin. Amen

Litany para sa Kapayapaan, Katarungan at Kalayaan

Reader 1: Sa araw na ito, ating kinukundina ang di makatarungang pagdemolis sa mga kapatid nating nasa south wing ng Kadiwa na kung saan nilabag ng pamahalaang lungsod ng Dasmarinas ang karapatan ng mga mamamayan na makapaghanapbuhay para may makain at panustos sa pang – araw na pangangailangan ng mga ito.

Tugon: Dalangin naming, O Diyos ay dinggin

Kapayapaan mo’y aming tanggapin. Amen

Reader 2: Sa araw na ito, ating kinukundina sa pagsusulong ng pamahalaang lungsod ng sarili nitong hangarin para sa kapakanan ng iilan, ang pagpapahintulot sa land used conversion, pagtatatag ng economic zone kung saan marami sa mga dukha ang lalo pang nagiging dukha at ang mga mayaman na lalo pang yumayaman, marami ang nawawalan ng kabuhayan at lupain. Lubos nating kinukundina ang malaking agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap.

Tugon: Dalangin naming, O Diyos ay dinggin

Kapayapaan mo’y aming tanggapin. Amen

Reader 3: Sa araw na ito, ating kinukundina ang patuloy na di makatotohanan ang Panagako ng Pangulo, sapagkat kailanman hindi ramdam ng mga maralita ang pag – unlad sa ating bansa.

Tugon: Dalangin naming, O Diyos ay dinggin

Kapayapaan mo’y aming tanggapin. Amen

Reader 4: Sa araw na ito, tayo ay nagsama – sama sapagkat nananalig tayo sa katarungan at katotohanan, at sa gitna ng kawalan ng katarungan, walang kapayapaan, pang – aalipin, pang – aapi, kasinungalingan, diringgin tayo ng Diyos na siya nating sandigan, ating pag –asa na siyang magbabangon tungo sa buhay na ganap.

Tugon: Dalangin naming, O Diyos ay dinggin

Kapayapaan mo’y aming tanggapin. Amen

PANANALITA MULA: SA IBA’T – IBANG SECTOR

MUSLIM

ROMAN CATHOLIC

PROTESTANT

Awit: AWIT NG PAG – ASA

Kahit kay haba ng lalakbayin daang tag – araw man ang humagupit. Kahit ilang libong tag – ulan ang sumapit, hinding – hindi tayo titigil, Dahil mithi nait’y palayain bawat isa sa pag - aalipin, Sa gitna man ng gutom, kahirapan, pasakit

Hinding hindi tayo susuko.

Kahit na may bagyo, kahit na may unos

Kahit na may libo – libong kaaway

Kahit na magapi at isa ang matira

Sa ating dakilang hanay

Tayong manggagawa at magsasaka

Sambayanan ay muling babangon

Ipagtatagumpay ang bawat labanan

Sa buong daigdig (ulitin)

PANALANGIN PARA SA MAMAYAN NG KADIWA

PAGPAPALA AT PAGHAYO:

Tagapanguna: Si Cristo ay pumarito sa mundo upang maglingkod

Kapulungan: Humayo tayo at patuloy na maglingkod sa sambayanan.

Tagapanguna: Hinusgahan ni Hesus ang mga mapag – imbot na nasa kapangyarihan, ngunit binusog ang mga nagugutom.

Kapulungan: Humayo at patuloy na iproklama ang magandang balita ng kaligtasan ng ating

Pastor/Pari at Pandita: Humayo tayo na may kapayapaan na kasama natin ang Diyos.

Isabuhay natin ang mga katuruan ni Kristo at Mohammad at sumunod tayo sa kanyang yapak maging sa pag – aalay ng ating buhay. Sa ngalan ng Diyos na ating magulang, Diyos na ating kapatid, at Diyos na ating kasama.

Lahat: Amen. Amen

Tugon: “Salabungin ang Bagong Araw”

Salubungin ang bagong araw, na malinis ang diwang taglay

Taas noong tumanaw sa silangan, buksan ang dibdib mong alay

Sa dambanang gintong langit, ihayag ang pagtataling – bisig.

Dakilang apoy at buhay, kapantay mo ay kawalan

Dugo naming ang tanging alay, sa’yo o apoy ang s’yang bubuhay

Patnubay ng bagong araw, mithiin ng buong bayan.

Tumanaw sa mapulang silangan, damhin ang espiritung hated

Marangal na diwa ay kakamtin. Itatanim sa dibdib at isip

Kapag ang hininga ay pumanaw, sasalubong ang bagong araw.

Salubunginang bagong araw, na malinis ang diwang taglay

Taas noong tumanw sa silangan, buksan ang dibdib mong alay

Sa dambanang gintong langit, ihayag ang pagtataling - bisig









Diyos.


Ang Ebanghelyo Ayon sa mga Magsasaka

Ang Ebanghelyo ayon sa mga Magsasaka

Ika ng ni Ka Andres Bonifacio na kanyang tulang “Pag – ibig sa Tinubuang Lupa”

Aling pag – ibig pa ang hihigit kaya, sa pagkadalisay at pagkadakila, gaya ng pag – ibig sa tinubuang lupa, aling pag – ibig?

Wala na nga, wala.

Walang mahalgang hindi inihandog ng may pusong wagas sa bayang nagkupkop.

Dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod, buhay ma’y abuting magkalagut – lagot.

Ang nakaraang panahon ng aliw,

Ang inaasahang araw na darating ng pagkatimawa ng mga alipin, liban pa sa bayan, saan tatanghalin?

Sa aba ng abang mawalay sa bayan, gunitain ma’y laging sakbibi ng lumbay,

Walang alaala’t inaasam – asam kundi ang makita’y lupang tinubuan.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak, kahoy niyaring buhay na nilanta’t sukat.

Ng bala – balaki’t makapal na hirap, muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

Ipakahandug – handog ang buong pag – ibig. Hanggang sa may dugo’y ubusing itigis.

Kung sa pagtatanggol buhay ay kapalit, ito’y kapalaran at tunay na langit.

Aling pag – ibig pa ang hihigit kaya, sa pagkadalisay at pagkadakila, gaya ng pag – ibig sa tinubuang lupa? Aling pag – ibig?

Wala na nga, wala, gaya ng pag – big sa tinubuang lupa.

Ang Ebanghelyong ito ay pagpupugay sa mga magsasaka at manggagawang bukid na walang sawang nagpapagal araw – araw, na di nila alintana ang init at ulan, sa kabila ng kanilang pagpupunyaging makaalpas sana sa kahirapan ay nagpapatuloy pa rin sila. Sa kabila kahirapan at di pantay na pagkilala sa kakayahan ng mga maliliit na magsasaka at manggagawang bukid na mapag – ibayo at mapaunlad ang lupang kanilang sinasaka ay nagpapatuloy pa rin sila sa paggawa alang – alang sa kapakanan ng karamihan at para may makain ang bawat hapag ng bawat pamilya.

Ito’y para sa mga magsasaka at manggawang bukid na naging magsasako na, dahil sa mahal ng mga pestesidyo’t chemicals at kulang nalang at magsuicide ang mga magsaasaka dahil sa sobrang mahal ng kanilang gagamitin mula sa paghahanda ng taniman, punla at hanggang sa panahon ng anihan ay walang matitira sa kanilang ani dahil sa nakaabang na din ang mga komersyanteng walang awa sa mga ito. Sa iba’t – ibang panig ng bansa ganito lagi ang daing at ating maririnig sa mga magsasaka na kaylan man walang umaasenso sa kanila sapagkat laging ginigipit ng mga komersyante’t mga traders na gahaman, sakim, ganid at pahirap sa masa. Nariyan din ang di pantay na pagtrato sa mga magsasaka na kung saan sila na tinatawag nating bumubuhay sa karamihan at nag – aalay ng kanilang buhay para may makain ang bawat hapag sa araw – araw.

Ito’y para sa mga api, aba, maralita at magsasakang pinagkaitan ng tadhanang mapagyaman ang lupang kanilang binubungkal dahil sa sinasabi ng ating pamahalaang kaunlaran at pagbabago. Eh, ang tanung para kaninu nga ba ang kaunlarang sinasabi ng ating pamahalaan at sino ang makikinabang nito? Ang nubenta porsyento ng mamamayan na karamihan nito’y sala’t at maralitang pinagtitiisan ang kararampot na kita at ani para maitawid sa gutom ang kanilang pamilyang sinasabing sagabal sa kaularan, O ang mga may kaya na walang ibang ginawa kung hindi magpayaman ng magpayaman hangga’t may makukuha o mapapakinabangan sa isang lugar.

Napakasarap pagmasdan at namnamin ang tulang ito na kung saan punong – puno ng pag – asa, pagmamahal, at pagmamalasakit sa tinubuang lupa na walang ibang makikinabang at magtutulungan kung hindi tayo din na mga Filipino na nakatira sa Bansang ito. May isang kuwento ng isang magsasakang aking nakasama noong nakaraang rural ministry at exposure ko na nagngangalang Tano sabi niya matagal nang panahon na kami’y nagtitiis sa pagiging ganid, sakim, at gahaman ng mga komersyante sa ditto sa aming nayon. Halos isang araw ang aming nilalakad para lamang marating ang pamilihang bayan na dala ang aming prrodukto, sa kabila ng aming pagod at hinagpis na aming dinaranas ay babaratin pa ng mga komersyante ang aming produkto, at kapag magreklamo kaming mga magsasaka dahil sa sobrang baba ng presyo’y sasabihin ng komersyante na huwag ka nang magreklamo biglang bumaba ang presyo at di magandang klase ang iyong produkto, kaya walang magagawa ang kawawang si Tano at babalik na sa kanilang bahay na pasan ang daigdig dahil sa nangyari sa pamilihan. Dahil sa ganitong kalagayan ay mapipilitan si Tano na ibenta ang kanyang lupa dahil sa binabalik – balikan na siya ng komersyante dahil sa baon na siya sa utang, siya’y walang magagawa dahil nga sa baon siya sa utag, ang labas nito’y alipin siya sa kanyang sariling lupa, kasama ng buong pamilyang mamamasukan ngunit kahit kaylan hindi sila giginhawa dahil sa bagsik at bangis ng kanilang amo.

Ayon sa Tula ni Lukas na isa kong kaibigan, na pinamagatang “Biktima Hanggang Ngayon”

Kilala ko ang mga kamay na nakikipagsapalaran sa karit na naging karugtong ng aking buhay.

Naramdaman ko ang hapdi at alat na iyong nararanasan,

Dahil sa mga panginoong May Lupang pinagsasamantalahan ang iyong lakas paggawa.

At kilala ko ang mga taong dumadaan at naglalakbay dito dahil sila ang naghahasik ng kaguluhan sa aming komunidad;

Ngunit may mga totoong kapwa na walang sawang nagmamahal at nagmamalasakit sa aming kalagayan bilang mga magsasaka.

Silang mga pulang mandirgma na patuloy na nagmamalasakit at nakahandang mag – alay ng kanilang buhay alang – alang sa kapakanan, karaingan at karapatan ng mga magsasaka at mangagawang bukid.

Ang aming pamilya’y tubong Tarlac, na kung saan napunta ng Mindanao (South Cotabato) dahil sa Presidential Decree ni Pangulong Magsaysay na sa pamamagitan ng PD na ito kung kaya’t ang aking magulang kasama ang kanilang ibang kamag – anak ay nagmigrate doon dahil sa pangako ng Pangulo na sila’y may malawak na lupaing mabubungkal kaya lang hahawanin nila ito para mataniman ng palay, mais at iba pang halaman na puweding kainin.

Sa ganung kalagayan ang ginawa ng karamihang nagmigrate kasama ang aking mga magulang ay pinapalitan ng kumot, sundang, gamit sa kusina ang lupang gusto nilang mapagyaman, hanggang sa dumating ang panahong malawak na ang kanilang nalinisan nagsimula na rin ang mono cropping na kung saan lahat sila’y nagtanim na ng palay sapagkat sa panahong iyon ay marami pa silang pinagkukunan ng tubig na magagamit sa kanilang palayan, na ito na nga dahilan sa ngayon kung bakit ang mga magsasaka ay baon sa utang at kung sa anihan puro sako nalang ang kanilang dala pauwi sapagkat kinuha na lahat ng nagpapautang o komersyante ang lahat ng kanilang ani at kung minsan ito’y kulang pa. Hanggang sa isang araw binili ng aking tita at mga kasama nito ang lupang kanilang pinagyaman sa pinaka murang halaga sa isang Datu (Moro).

Sa paglipas ng maraming taon na amin nang napagyaman ang lupang iyon saka muling binabawi ng mga anak at apo ng Datu na siyang nagbenta ng lupa, at doon din lang namin nalaman na ang ibinigay na katibayan ay deed of sale lang, hindi yon ang mother title kaya sa madaling salita nabawi ng mga anak at apo ng Datu ang lupang iyon. Ngunit hindi dito nagtatapos ang kanilang pakikipaglaban na mabawi ang lupang iyon kung kaya idinulog nila ito sa Mayor sa aming bayan maging sa Provincial Trial Court, pero agad na sinabi ng husgadong malabong mabawi pa ninyo ang lupa sapagkat ipinapakita na sa katibayang hinahawakan namin na ito’y deed of sale, ang sa kanila’y mother title kaya nabawi nila ang lupa. Sa kabila ng pangyayaring iyon ang ginawa nila tita ay muli nilang ipinasukat ang lupang di nabawi ng mga anak at apo ng Datu kaya napagkasunduan nilang may tig- isang ektarya sila. Sa bahagi ng area na iyon. Sa kabila ng pangyayaring iyon ay napanatili ng bawat panig ang magandang ugnayan at relasyon. Na dito naman ako humahanga na kung saan sa kabila ng kanilang uring pinagmulan, kultura, tradisyon, lahi at oryentasayon sa buhay ay nanatili ang magnadang relasyon ng bawat isa.

Ang simbolo na aking napili ay Lupa na kung saan ito’y nagsisimbolo ng Buhay, Pakikibaka, at Pag – asa. Ating isasahin ang mga ito:

Una Ang Lupa Bilang Buhay - Kapag pinag – uusapan ang Lupa di natin maiiwasang kasama nito ang Buhay na kung saan ito’y nagbibigay buhay at karangalan. Sa atuwing ako’y nagmumuni – muni di ko maihihiwalay ang karanasan at hinagpis ng mga kapatid nating mga katutubo na kung saan sila’y laging kawawa at walang kamalay – malay na ang lupang kanilang sinasaka at pinagyayaman ay unti – unti nang inaagaw at kinakamkam ng mga Multi National Corporations at Trans National Corporations sa pamamagitan nito kanilang kinoconvert ang lupa at sakahan sa mga nagtatayugang mga gusali, golf course, subdivision na ni minsan di man lang nasilayan .Ang bawat isa’y naghahangad na maging Malaya sa kanyang sariling bayan na kung saan malayo sa mga mapagsamantala at mapang – aping kaugalian ng iilan. Na tayo’y nagmula sa lupa at babalik na kusa. Ika nga ni Ka Mc’ling Dulag ng Cordillera People’s Alliance: na Ang lupa ay buhay, at ang pagako ng isang lugar ay karapatan ng bawat tao. Kung ang mga hamak na hayop ay nag – aangkin ng kanilang lugar, tao pa kaya? Isinilang ang tao upang mabuhay. Pinagkalooban tayo ng buhay ni Apo Kabunian, Diyos nating lahat, at inilaagay niya tayo sa daigdig upang mabuhay. At saan natin makakamtam ang buhay? Mula sa lupa! Ang magbungkal ng lupa ay isang katungkulan, hindi lamang karapatan. Sa pagbubungkal dito, inaangkin natin ito at inaako natin ang pananagutan dito! Kaya nga’t ang lupa ay biyaya na kinakailangang mapagyaman. Banal ang lupa. Mula sa kanyang sinapupunan bumubukal ang ating buhay.

Sinasabi sa Chief Seatles Reply isang statement ng isang Theologians na Amerikano na “We know the white man does not understand our ways. One portion of land is the same to him as the next, for he is a stranger who comes in the night and takes from the land whatever he needs. The earth is not his brother, but his enemy, and when he has conquered it, he moves on. He leaves his fathers graves behind, and he does not care. His father’s graves, and his children’s birthright, are forgotten. He treats his mother, the earth, and his brother, the sky, as things to bought, plundered, sold like sheep or birth deads. His appetite will devour the earth and leave behind only desert. Sa ganitong kalagayan muling bumabalik sa aking alaala ang labis na paagmamalupit ng mga dayuhan para lamang malinlang ang mga ninuno natin na kung saan isang pirasong kumot o damit ay naipagpalit nila ang kanilang lupa dahil sa sila’y nalinlang at naluko. At dahil din sa kristiyanismo lalo na sa mga pari at hari na nagpasasa sa yaman ng ating bayan sa mahabang panahon, na kaylanma’y di na natin mababayaran liban na lang kung din a siya makikipag – alyansa sa Estados Unidos maging sa bansang walang ibang ginawa kundi pagsamantalahan at sirain ang lupain maging ang mga katutubo’y di na nila malaman kung saan pupunta para magkaroon ng matahimik at mapayapang pamumuhay na kung saan wala nang nanggugulo, nagsasamantala at nang – aapi sa kanilang lahi.

Sa paglipas ng mahabang panahon ay ganito pa rin ang nangyayari sa ating bansa sapagkat nanatiling nakabuntot at laging nakasunod sa nais ng imperyalistang Estados Unidos at European Union sa iba’t – ibang larangan. Nasasabi ko ito sapagkat nagpapatuloy tayong mala kolonyal at mala pyudal at nagagamit pa din nila ang pangulo at ibang mga opisyales para sa kanilang pansariling kapakanan. Maging sa mga kurso na offer sa iba’t – ibang unibersidad at kolehiyo’y lalong dumadami ang kumukuha ng mga vocational courses sapagkat ito’y angkop sa mga trabahong kaylangan sa ibang bansa.

Ayon SA Levitico 25: 23-28 Na Hindi ninyo maipagbibili nang lubusan ang lupa sapagkat iyon ay akin; pinatitirhan Ko lamang Sa inyo. Kaya, maipagbili man ang alinmang bahagi ng iyong inyong lupain, iyon ay kailangang magbalik sa dating may – ari. Kung sa inyo’y may maghirap at mapilitang magbili ng kanyang ari – arian, tutubusin agad iyon ng pinakamalapit niyang kamag – anak. Kung wala siyang kamag – anak na makakatubos niyon, siya na rin ang tutubos pag umunlad uli ang kanyang kabuhayan. Ibabalik niya sa bumili ang katumbas na halaga ng nalalabing taon bago dumating ang taon ng paglaya. Sa gayon, mababalik sa kanya ang kanyang ari – arian. Ngunit kung wala pa siyang sapat na pantubos, bayaan niya iyon sa bumili hanggang sa taon ng paglaya, at ang ari – arian niya’y mapapabalik sa kanya nang walang bayad.

Ang kuwentong ito sa Lumang Tipan ang isa sa mga paborito kung talata sapagkat nagsasaad ng paglaya ng lahat, kung saan napakahalagang muli nating binabalikan ang ating pinagmulang lupa na kung saan dito tayo nagmula at babalik na kusa. Sa tuwing binabasa ko ang mga talatang ito napakadami ng mga pumapasok sa aking isipan na gaya nito: Kailan kaya maipapatupad ang Genuine Land Reform na kung saan ang mga magsasaka at manggagawang bukid ay nagmamay – ari na mga lupang sakahan, din a sila tinataboy n gating sistema sa kanilang tirahan at lupa, wala ng nakikipagsapalaran na mangibang bayan para magpaalipin at mapagsamantalahan, at higit sa lahat ang mga Multi National Corporations at Trans National Corporations ay mabawi ng mga uring mangagawa na sila na ang nagpapalakad nito (national industrialization) sa pamamagitan nito makakapagsimula tayo ng panibago na din a tayo nakadeepende sa dekta ng mga naghaharing uri gaya ng Estados Unidos at European Union.

Lupa hindi Bala, Pagkain hindi Bomba ito ang patuloy na sigaw ng mga magsasaka at manggagawang bukid na kung saan dalawamput – apat na taon na ang nakakaraan mula ng maganap ang Mendiola massacre na kung saan labing tatlo sa mga libu – libong magsasaka ang naging biktima nito dahil sa kanilang adhikaing maipatupad na ang Genuine Land Reform na kung saan ipapamahagi ang malawak na lupain ng mga simbahan, institusyon at maging ang Haciendang Luisita, Yulo, Zubiri, Ledesma, Ayala – Zobel, Soriano, Alcantara – Dominguez, Antonino, Floreindo, Roxas, Aguinaldo, Villafuerte, Dy at Marcos. Ngunit ilang libong taon pa kaya ang lilipas para maisakatuparan ang mga ito sapagkat di kayang maipatupad ng ating pamahalaan na mapagkalooban ng lupa ang mga kapatid nating mga magsasaka at manggagawang bukid dahil sa unti – unti ng naibenta ng ating pamahalaan ang lupain dito sa ating bansa, ang pinakamasaklap pa nito ang inihalal ng taumbaayang mga mambabatas ay walang ginagawa na mabago ang sistema at kalagayan ng mga magsasaka at manggagawang bukid sapagkat gumagawa sila ng mga batas at palisiya na angkop lamang sa kanila, at tayoy’ nagiging dayuhan na sa ating sariling bayan sapagkat alipin na tayo ng mga dayuhang walang ginawa kundi ubusin ang likas na yaman ng inang kalikasan. Dalawamput – apat na taon na ang nakaraan wala pa ring lupa ang mga magsasaka. Patuloy pa ring kinakamkam ang kanilang lupain, patuloy pa rin silang pinagsasamantalahan ng panginoong maylupa, at kung sila’y lalaban para sa kanilang lupa dinaranas nila ang iba’t – ibang klase ng pandarahas, harassment at kung minsan pagpaslang.

Sa halip na baguhin ang kalagayan ng mga magsasaka, pinanatili lang ito ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP of 1988 ng reheming Corazon - Aquino. Ginawa ang batas na ito ng gobyerno ng mga panginoong maylupa, kaya natural na naglilingkod sa interes nila ito. Punong – puno ng butas ang batas na ito na pabor sa kanila. Kaya naman pito sa bawat sampung magsaaka ang walang lupa. Dahil dito, napuwersa silang manilbihan at magpa - alipin sa mga panginoong maylupa, na nagpapabayad sa kanila ng kalahati, sangkatlo o sangkaapat ng ani bilang upa sa lupa. Dahil mahal din magrenta ng mga gamit at binabarat ang benta ng ani, mababaon lang nang mababaon sa utang ang mga kapatid nating mga magsasaka, maralita at mangagawang bukid.

Samantala, minomonopolyo ng kakarampot na pamilya ng mga panginoong maylupa ang napakalaking bahagi ng lupang agricultural sa bansa. Nariyan halimbawa ang mga Cojuangco – Aquino, Roxas, Aguinaldo, Yulo, Ayala, Villafuerte, Dy, Marcos, Floirendo, Alcantara – Dominguez, at Soriano. Nagpapasasa sila sa yaman mula sa pinaghirapan ng mga magsasaka. Pinatindi ang kawalan ng lupa ng mga mangagawang bukid at magsasaka sa pagsunod ng bansa sa globalisasyon. Para makapag – eksport ng mga produktong gusto ng dayuhang pamilihan, maraming lupa ang kinamkam. Tinambakan ang bansa ng mga import na produktong agricultural, dahilan para mawalan ng ikinabubuhay ang maraming magsasaka at manggagawang bukid. Ang lahat ng ito ang pinanatili ng tinatawag na CARP extension with reform o CARPer na ipinasa noong 2009. Sa likod ng ilusyong maka – magsasakang ito, pinanatili lang nito ang monopolyo sa lupa ng malalaking panginoong maylupa sa bansa. Tulad ng CARP, ginawang batas ito ng kongreso at senado ng mga panginoog maylupa, kaya pabor sa kanila ito.

Katulad sanangyaring Mendiola massacre, sa halip na kilalanin ang paglaban nila sa lupa, dahas ang isinasalubong sa mga magsasaka at manggagawang bukid. Sa mga lugar na hindi regular na inaabot ng midya, laging puntirya ang mga magsasaka at manggagawang bukid, lalo na ang tampok na halimbawa ang masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 16, 2004. Nagwelga ang mga magsasaka at mangagawang bukid dahil P9.50 lang kada araw ang naiuuwi nilang sahod. Sa halip na ibigay ang makatwirang dagdag sahod, pinagbabaril sila ng mismong militar. Namatay ang pito at nasugatan ang marami. Mahigit pitong taon na ang nakalipas, wala pa ring katarungan para sa mga namatay sa Hacienda Luisita Massacre. May mga taong napatay pero walang taong nakulong o naparusahan. Pinilit palabasin ng gobyernog Arroyo, militar, at pamilya Cojuangco – Aquino na ang mga welgista mismo ang namaril, pero kitang – kita sa video ang totoo.

Sa ilalim ng rehimeng Arroyo, at ng Oplan Bantay Laya nito, 583 magsasaka at mangagawang bukid na ang biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang. Mas marami pa ang biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Napapalayas sila sa kanilang lupa ng panggigera at pagmasaker ng militar sa kanayunan. Marami ang dinukot at sinampahan ng gawa – gawang kaso. At marami ngayon ang nagugulat sa pagbubunyag kung gaano karahas ang pamilya Ampatuan ng Maguindano. Marami silang baril at tauhan dahil pag – aari nila ang 2/3 ng lupa ng nasabing probinsiya. Katulad ng mga Ampatuan ang maraming panginoong maylupa: gagamit ng dahas para protektahan ang pag –aari sa malalawak na lupain.

Pangalawa ang Lupa Bilang Pakikibaka – Ang pagkakaroon ng lupang masasaka o di kaya’y matitirhan ay kaliangang ipinaglalaban at minsan dadanak ang dugo para maprotekhan ito. Ayon sa Josue 8:1-2 “na ganito ang ating mababasa at sinabi ni Yahweh kay Josue; huwag ka nang matakot, lakasan mo ang iyong loob. Tipunin mo ang lahat mong mga kawal at salakayin ninyo ang lunsod ng Hai. Magtatagumpay na kayo! Ibibigay ko sa inyo ang hari ng Hai, ang kanyang mga tauhan, lungsod at mga lupain. Gagawin ninyo sa Hai ang ginawa ninyo sa Jerico. At wala kayong maaaring angkinin doon kundi ang kanilang mga bakahan at mga ari – arian. Maghanda kayo at salakayin ninyo ang lungsod buhat sa likuran”.

Sa mga talatang ito nagpapahiwatig na ang lupang ipinangako ni Yahweh sa angkan ng mga Israelita bago nila ito maangkin ng lubusan ay kalingan muna nilang pagsumikapan at ipaglaban sa pamamagitan ng dahas o di kaya’y kahit na anung paraan maangkin lamang nila ito. Sa mga ganitong kalagayan lagging bumabalik sa aking balintataw ang mga ginawang pakikipaglaban ng ating mga Bayani na kung saan nagbuwis sila ng kanilang buhay para maipaglaban ang ating bansa at maipagtanggol ang kanilang lupang sinasaka mula sa kamay ng mga mapagsamantalang panginoong may – lupa maging ng mga prayle na siyang pahirap talaga sa masa. Sa kabila ng kanilang paghangad at pakikibaka na madepensahan ang inang bansa ay siya namang pagsamantala ng mga misyonerong mga mandarambong at mapagsamantala, taliwas sa pakay ni Yahweh sa mga Israelitang sa kanilang pakikipagdigma para magkaroong ng lupa ay napanatili nila ang kanilang tunay na hangaring ang lahat ay mabigyan o mapagkalooban ng lupa, na ito yata ang ginagawang sangkalan ng iilan para magkaroon ng malawak na lupain na din naman napapakinabangan sapagkat ginagawang golf course, na di naman nakakapasok ang mga dukha at salat para makapaglibang sapagkat mahal ang membership. Ito naman ang ipinaglalaban ng mga magsasaka at manggagawang bukid na sana’y gawing sakahan at tamnan ng palay, mais, root crops at mga iba’t – ibang prutas ang lahat ng golf course, plantasyon ng saging, pinya, palm oil. Mangyayari lamang ito kung tayo’y makiisa sa kanilang panawagang ibasura ang CARPER. Ipaglaban ang Tunay na Reporma sa Lupa. Katarungan sa lahat ng Biktima ng Mendiola at Hacienda Luisita Massacre. Lupa, Sahod, Trabaho at Karapatan ay Ipaglaban. Kabuhayan at Katarungang Panlipunan ay Ipaglaban.

Ayon sa “Awit ng Proletaryo”

Daan taong hinubog mo mga lipunan sa mundo,

Ang kabihasnan ay naitatag sa dugo at pawis mo,

Mga palasyo ng hari ikaw ang nagtayo, Ikaw din ang humukay ng mga palamuting ginto.

Pasan – pasan mo ang hirap sa daan – daang taon, Walang dangal, walang bukas, alipin ng mga panginoon.

Mga yamang nilikha mo tangi nilang luho,

Tuwang – tuwa nagpapasasa sa dugo at pawis mo,

Kaya't sa araw ding ito ikaw ay magpasya, At sa lakas ng Proletaryo wakasan ang pagsasamantala.

Pasan – pasan mo ang hirap sa daang – daang taon,

Kaya dapat bumangon ka lipulin ang mga panginoon.


Laging ito ang nararanasan ng mga magsasaka, maralita at mangagawang bukid dahil sa iba ang inuuna ng ating pamahalaan. Laging dehado ang mga ito sapagkat di pantay ang pagkilala sa lakas ng bawat uri na sinsabi nating Uring Manggagawa at Magsasaka’y pangunahing puwersa sa anung pamamaraan maisasakatuparan ito kung mismo ang ating pamahalaan ang patuloy na gumagawa ng paraan para mas lalong maghirap ang kapatid nating pumapasan ng kahirapan.

Ayon sa Tula ni Bienvenido Lumbera na Agunyas sa Hacienda Luisita: Panata sa mga welgistang Manggagawang Bukid at Magsasakang Minasaker noong Nobyembre 16, 2004:

Walang kampanang kumalembang ng panangis,

Nang kayo’y paslangin ng mga pulis at sundalong bayaran ng naghaharing uri. Kalasti lamang ng gatilyong humaplit sa baling inip na inip sa baril ng mga berdugo. Walang dalanging pumulas sa bibig ng mga matronang paladasal tuwing nobena kay San Isidro Labrador.

Buntong hininga lamang ay: ay, nabawasan din ang bilang ng mareklamong magsasakang kasabwat ng mga NPA.

Walang benditang tumigmak sa amoy – lupang bihis ng mga welgistang humihingi ng dagdag sa P9.50 lingguhang kita.

Dugong pumulandit sa dagsa ng bala,

Dugong pumulandit sa dagsa ng bala,

Dugong pumulandit sa dagsa ng bala, laway na tumalsik nang hatawin ng truncheon, plemang idinahak ng panginoong maylupa.

Hindi kalembang, hindi dasal, hindi bendita, ang dala ng ipo – ipong nagpuyos sa mga dalisdis ng Siera Madre na papatag sa mga tubuhang Cojuangco – Aquino at sa mga kamalig at pabrika ng asendero.

May titis na nagliyab sa dibdib, ng bawat isa sa amin,

at ang mga dila ng lagabgab, ay sasanib sa ipo – ipong dumarating,

hahawiin ng lupang sasaksi, sa itatanim naming lipuanang Malaya’ at hindi na paaapi.


Pangatlo ang Lupa Bilang Pag – asa – sinasabi sa Lukas na 4: 18-19 “Sumasaakin ang Espiritu ng Diyos, sapagkat hinirang ako upang ipangral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya at sa mga bulag na sila’y makakikita; upang bigyang kaluwagan ang mga sinisiil, at ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Diyos”.

Sa kuwento ng mga talatang ito tunay nga na may inaasam parin tayong pag – asa na kung saan di pa huli ang lahat para tayo’y magkaisa, magtulungan, magmahalan na sa kabila ng ating pagkakaiba ng oryentasyon sa buhay, uring pinagmulan, lahi, kultura, tradisyon. Tuluyan na nating wasakin ang pagsasamantala, pang – aalipin, pang - aalipusta na kung saan ang mga ito ang puno’t dulo sa di pagkakaunawaan at pagkakasundo ng lahat dahil nalasing ang iilan sa kapangyarihan at nakaligtaan na ang mga magsasaka, manggagawang bukid, maralita na ang mga ito ang mga kinikilala nating bumubuhay sa lahat dahil kung wala nang magsaka anu na an gating kakanin. Kung hindi tayo kikilos, Sino ang kikilos? Ang kung hindi ngayon, Kailan.

Ayon sa kuwento ng mga magsasakang kabahagi sa nakaraang Kampuhan sabi nila Bigkis ng Paglaban: ito ang kanilang kuwento, Istorbo raw sa trapiko. Ito ang binigay na dahilan ng paggiba sa kampuhan ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa paanan ng Mendiola, ilang araw pa lamang ng pagkakaupo ng Pangulong Benigno Aquino III. Kuwento ni Edgar Laresma, 29, wasak ang mga kubol nang bumalik sila sa Mendiola matapos silang habulin ng mga pulis. Naroon lamang sila para bantayan ang mga pangako ng pagbabago ni Aquino III, lalo na sa usaping repormang agraryo. Ilang araw bago mag – isandaang araw sa puwesto si Noynoy, nakatindig pa rin ang mga kubol ng mga magsasaka. Sa harap ng tanggapan ng Department of Agrarian Refom sa Quezon City nila ito inilipat, matapos ang marahas na dispersal.

Biktima ng pagpapalayas sa kanilang sityo si Edgar, aniya, matagal na sila sa Sitio Kabute sa Calamba, Laguna. Ang kanyang mga ninuno ang naghawan ng noo’y masukal pang lugar. Pero isang araw ng Pebrero 2009, pinalayas sila dahil nabili na raw ng Metrobank ang naturang lupa. Giniba ang kanilang mga bahay. Pinalilipat sila sa may tabing ilog malapit sa sityo, pero hindi sila pumayag. Dinidebelop na rin kasi ang naturang lugar at ilang residente na rin ang napalayas doon. “Ibig sabihin, pinalilipat kami sa lupa nang walang kaseguruhan, ililipat kami para palayasin ulit” sabi ni Edgar.

Sa kampuhan, nadagdagan ang kaalaman ni Edgar sa kalagayan ng mga katulad nila. Nagdadaos kasi roon ng mga pag – aaral tungkol sa kalagayan ng mga magsasaka at iba pang sector. Sa kampuhan din niya nakita na maraming sumusuporta sa kanilang laban. Kuwento niya, maraming mangagawa, estudyante, propseyunal, at taong – simbahan ang doo’y nakakasalamuha.

Proyektong dam naman ang nagpapalayas kay Benny Pipino, 50 taong gulang, mula sa kanilang lupang ninuno. Pag – uuling at paggawa ng sawali ang trabaho niya sa Laiban, Rizal. Sa pagtatayo ng dam, nangangamba si Mang Benny na masisira ang kalikasang nagbibigay sa kanila ng kabuhayan, gaya ng ilog na kinukunan nila ng tubig at pinangingisdaan.

Kasama rin sa kampuhan ang lider – kabataan na si Reynante de Leon, mula sa Sityo Buntog sa Hacienda Yulo. Mahigit isandaang taon nang pinagyayaman ng mga magsasaka ang 7, 000 ektarya roon, hanggang sa patituluhan ng mga Yulo noong dekada ’30. Mula noo’y naging tenante na lang sila, at ngayo’y pinalayas na dahil tatayuan ng mga subdivision, golf course at komersyal na establisimento ang asyenda. Tinutulan ito ng mga kabatang nagkakaisa sa Buntog, kung saan bise – president si Nante. Sabi niya, “Itutuloy namin ang paglaban, kung hindi ay wala kaming mapupuntahan, at ngayo’y saan kami pupulutin kung wala kaming Lupa.”

Magkaiba man ang edad at lugar, pinagbuklod sila ng iisang laban. Sa loob ng mahigit pitong buwang panunugkulan ni Pres. Noynoy, dadagundong ang kanilang yabag sa kalsada para manawagan at singilin ang Pangulo sa kanyang mga pangakong lahat ng mga ito’y napako sapagkat nakontento siya sa paglaro ng PSP at nagpapasarap sa kaniyang kinauupuan. Dumarami ang walang trabaho at seguridad sa mga pinagtatrabahuan sapagkat lalo niyang pinauso ang kontraktiwalisasyon sa lahat ng pabrika at pagawaan, mas dumarami ang nangingibang bayan para maghanap buhay sa kabila ng banta at nangyayaring kaguluhan sa Gitnang Silangan at sa ibangpanig ng mundo.

Kaya ika sa Awit na “Tuloy ang Laban”

Habang mayroong pagsasamantala,

Habang mayr'ong pag – aalipusta.

Tuloy ang laban, tuloy ang labban ng masa,

Tuloy ang martsa ng pakikiisa.

Habang naghahari'y nariyan pa,

Habang bayan nati'y bihag pa.

Tuloy ang laban, tuloy ang ating pakikibaka,

Tuloy ang sigaw ng paglaya.

Damhin natin ang panaghoy ng bayan,

Harapin natin ang totoong kalagayan,

Yakapin natin ang kanilang paglaban,

Pagbigkisin ang lakas ng mamamayan.

At sa pagsalubong sa bagong araw na punog – puno ng pag –asa, pangitain at pakikibaka ang masang anak pawis. Ayon sa kantang

Salubungin ang Bagong Araw”

Salubungin ang bagong araw,

Na malinis ang diwang taglay,

Taas noong tumanaw sa silangan,

Buksan ang dibdib mong alay,

Sa dambanang gintong langit ihayag ang pagtatalingbisig.

Dakilang apoy at buhay,

Kapantay mo ay kawalan, dugo namin ang tanging alay,

Sa'yo o apoy ang s'yang bubuhay,

Patnubay ng bagong araw, mithiin ng buong bayan.

Tumanaw sa mapulang silangan,

Damhin ang espiritung hatid,

Marangal na diwa ay kakamtin,

Itanim sa dibddib at isip,

Kapag ang hininga ay pumanaw sasalubong ang bagong araw.

Salubungin ang bagong araw, na malinis ang diwang taglay,

Taas noong tumanaw sa silangan,

buksan ang dibdib mong taglay sa dambanang langit ihayag ang pagtataling bisig.

Wednesday, January 26, 2011

Ka Amado V. Hernandez

Pagdakila sa Abo ni Kasamang Amado V. Hernandez

Ang mga gunita at ispekulasyong naititik tungkol kay Ka Amado ay dapat magtulak sa proyektong pag-ibayuhin ang sama-samang pagtahak ng landas mula sa "isang dipang langit" ng neokolonya hanggang sa marating ang "bayang malaya,"

Pilipinas nting mahaal.

NI E. SAN JUAN, JR.
Philippines Cultural Studies Center
Posted by Bulatlat.com

Sa aking piita'y hindi pumupurol ang lumang panulat, bawa't isang titik, may tunog ng punlo at talim ng tabak.

--Amado V. Hernandez, "Bartolina"

Militanteng pagbati sa lahat ng mga kasama at kapanalig sa pagkakataong ito, ang padiriwang ng sentenaryo (kulang sa isang taon) ng kaarawan ni Ka Amado. Lubhang napapanahon ito sa gitna ng "kampanyang anti-terorismong" inilunsad ng imperyalistang Estados Unidos na siyang mahigpit na taga-usig sa mga makabayang Pilipinong nabuwal sa dilim ng Cold War at McCarthyism, nangunguna na si Ka Amado. Napapanahon dahil ang pagdeklara ni Colin Powell sa NDF, sampu ng mga kasanib na mga pulong, na mga teroristang organisasyon ay lantad na panghihimasok ng imperyalismong Amerikano at pagyurak sa karapatang-pagsasarili ng masang Pilipino. Sunggaban natin ang pagkakataong ito sapagkat sa pagitan ng mga sungay ng panganib lamang matatamo ang kasarinlan at kalayaan.

Bakit napapanahon? Ang digmaan laban sa agresyon ng Estados Unidos, mula pa noong 1898 hanggang nayon, ang hindi pa nakukumpletong rebolusyon ng bayang Pilipino-iyan ang pangkahalatang tema, batayan at adhikain ng buhay at panitik ni Ka Amado mula pagsilang niya (1903) sa panahon nina Macario Sakay at mga kolorum hanggang sa pagyao niya (1970) pagsabog ng "First Quarter Storm" at matikabong pag-aalsa ng tinaguring "wretched of the earth" sa awiting "Internationale." Bukod sa pagiging rebolusyonaryong artista, si Ka Amado ay maitatanyag na huwarang internationalista na nakaunawa sa kahulugan ng deklarasyon nina Marx at Engels sa Communist Manifesto na "ang proletaryo ay walang bansa" habang ang burgesya ay namamayani.

Ilang gunita ko rito ay marahil saksi sa katotohanan ng diwang internasyonalismong pumatnubay sa nasyonalistikong pakikibaka ni Ka Amado. Mungkahi ko rito na ang distansiya sa pagitan ng Utrecht at Quezon City, ng New York at Maynila, ng Madrid at Makati, ay hindi dapat maging sagwil sa kolektibong pagbabalikwas, laluna kung ating alalahanin ang kalagayan ng ating mga kabayayang tinuksong mga "bagong bayani," tila 11 milyong Overseas Filipino Workers ngayon sa iba't ibang lupalop ng daigdig.

Una sa alaala ang pagkilala ko kay Ka Amado noong 1958 sa isang piging sa Maynila nang igawad kay Nick Joaquin ang Harry Stonehill Prize para sa kanyang napabantog na The Woman Who Had Two Navels. Pansamantalang naipalabas si Ka Amado sa bilangguan noong Hulyo 1956, pagkaraan ng limang taon at anim na buwang pagkapiit sa sakdal na rebelyon - pinawalang-bisa ang sakdal na iyon noong Mayo 1964. Bagong silang sa bartolina at mga kampo militar, si Ka Amado ay isa sa inanyayahan doon habang ako (sampu ng mga miyembro ng U.P. Writers Club) ay buntot lamang ng aming mga guro. Hindi nakagugulat na sa buong madlang kinabibilangan ng mga petiburgesyang intelektwal sa Kamaynilaan, si Ka Amado lamang ang naghamon sa kakatwang situwasyon ng manunulat sa Pilipinas - bakit isinusuob ang mga manunulat sa Ingles at ipinangangalandakan ang kongkistador na mentalidad tulad nina Joaquin at mga alipuris niya, habang ang mga manlilikha sa bernakular ay sukdulang napapabayaan. Iyon ang puna niya sa gitna ng madlang natulala.

Sayang at hindi naabutan ni Ka Amado ang malaunang pagbunyag na si Harry Stonehill, ang pilantropo noong gabing iyon, ay siyang pinakatusong ahente ng korupsiyon, ng pagsusuhol sa mga pulitiko at kawani sa burokrasya, noong panahon ng mga administrayon nina Ramon Magsaysay, Carlos P. Garcia, Diosdado Macapagal at Ferdinand Marcos.

Ang kauna-unahang akda ni Ka Amado na nabasa ko noong ako'y nasa haiskul, tulad ng mga kahenerasyon ko noong dekada 50, ay ang tulang "Aklasan" sa teksbuk na Diwang Ginto. Ang balangkas nito ay hindi de-kahon o pambalagtasan, kaya nakaakit sa akin at mga kabataang mamamahayag. Ngunit mas matindi ang imahen ng pagsalungat ni Ka Amado sa okasyong nabanggit ko, kung saan ang larangang panlipunan ng dahas o kapangyarihan - ang tinagurian ni Pierre Bourdieu na field of power - at ideyolohikang magkasalungat ay nakatambad doon sa pagdalumat ng pangkat ng mga konserbatibo't reaksyonaryong intelektwal sa isang dako, at sa kabilang dako ang hanay ng mga kontra-hegemonyang aktibista. Isang arena iyong ng tunggalian ng mga uri. Hanggang ngayon, patuloy ang digmaan ng dalawang pananaw na ito - ang ideolohiya ng imperyalistang kultura at ang praktikang agham ng rebolusyon ng mga produktibong lakas ng lipunan - habang ang pribadong pag-aari ay nananatili sa pag-sasamantala sa lakas-paggawa ng nakararami.

Tumalab sa akin ang impresyong iyon hanggang ako'y nasa Harvard University noong 1960-1965. Panahon iyon ng pagbabangon ng mga Aprikano-Amerikanong masa, pagtutol sa giyera sa Biyetnam, pagbabalikwas ng kabataan at kababaihan dito at sa iba't ibang dako ng mundo. Bagama't ako'y nasa "sikmura ng dambuhala," wika nga, hindi nangiming sumagot sa sulat ko si Ka Amado. Sumang-ayon siya sa mungkahi kong ipalimbag ang isang aklat ng mga pagsasalin ko ng ilang piniling tula sa kanyang premyadong koleksiyon Isang Dipang Langit. Nagkataong ang editor sa International Publishers ay isang kaibigan ng progresibong tendensiya sa atin, si James Allen, istoryador at awtor ng The Philippine Left on the Eve of World War II. Nailathala ang Rice Grains: Selected Poems of Amado V. Hernandez noong 1966 nang ako'y nakabalik na sa Diliman. At iyon ngang edisyong iyon ang napasa-pasa sa Surian at mga pamantasan, at naging introduksiyon ko sa mga matatandang alagad ng sining, tulad nina Alejandro Abadilla, Teo Baylen, Pablo Glorioso, Ponciano Pineda, Anacleto Dizon, at mga kabataang naka-istambay sa Kalye Soler, Florentino, at sa mga lansangan ng Sampaloc, Quiapo, at Escolta.

Sa pamamagitan ng librong Rice Grains, at ang sumunod na pagsasalin ko ng isang kuwento ni Ka Amado sa antolohiyang pinamatnugutan ko, Introduction to Modern Pilipino Literature (Twayne 1974), nagkaroon ng mambabasa si Ka Amado sa mundong gumagamit ng Ingles. Naitanyag si Ka Amado sa awdiyens ng Kaliwa sa Estados Unidos at iba pang bansa. Masaya naman ang bunga ng kapaguran ng isang taga-Connecticut na Pinoy sa "King Arthur's Court," bansag sa akin ng isang kasama riyan. Pinuri si Ka Amado nina Maxwell Geismar, Han Suyin, Ralph Friedman, Miller Brand, Saunders Redding, at iba pang bantog na manunulat sa metropol. Alam kong nakahuntahan din ni Ka Amado sina Bertrand Russell, Peter Weiss, Jean Paul Sartre - may isang potograp ng dalawang rebeldeng makisig na naninigarilyo na matutunghayan ng lahat - nang kalahok siya sa International War Crimes Tribunal noong 1966, at marahil nga, nakatagpo rin niya ang tagapangulong Mao Zedong.

Bago pa man naging tinik sa burgesyang global sanhi ng kanyang pagsisikap sa mga internasyonal porum, kilala na si Ka Amado sa mga pulutong ng progresibong Pilipino laluna sa West Coast. Ang tagapamagitan niya rito ay walang iba kundi si Carlos Bulosan, na ngayon ay klasikong awtor sa matipunong kultura ng mga Asyano Americano rito. Hindi ko batid kung nagkasalubong sila rito nang naglakbay si Ka Amado dito sa "sikmura ng halimaw" noong 1948 pagkatapos magpasimuno sa isang demonstrasyon sa Maynila noon Mayo 1. Sa isang akda niya sa 1952 Yearbook of the International Longshoremen and Warehousemen's Union (Local 37), na pinamatnugutan ni Bulosan, usig ni Ka Amado:

During the dark days of the enemy occupation, the Filipino working man realized that labor must speak only one universal language, and it has to rise above national and racial barriers; that labor everywhere has one common struggle, and that it must march toward one goal: the liberation of all the peoples from the chains of tyranny, fascism and imperialism.

Nang lumabas ang Yearbook, si Ka Amado ay nakaluklok na sa bilangguan ng tutang pamahalaan, ang magiging "pugad" ng mapagbagong panulaang may sagisag ng nagdaang kahirapan at hudyat ng darating na katubusan. Ipinagtanggol ni Bulosan ang sosyalistang prinsipyo ni Ka Amado at mga kapanalig sa kanyang artikulo, "Terrorism Rides the Philippines," sa naturang Yearbook. Iyon ay di pangkaraniwang simbolo ng solidaridad ng diyasporang Pilipino bago pa man sumulpot ang OCWs.

Marahil, isang balik-handog lamang iyon kung iisipin na dumulog din naman si Ka Amado sa mayamang kornukopya ng literaturang pandaigdig. Mapapansin iyon sa maraming pagsasalin niya mula sa Ingles, Kastila, at iba pang wika, sa huling bahagi ng kalipunang Tudla at Tudling, na mahusay na pinamatnugutan ni Propesor Rosario Torres-Yu. Modernistiko ang sensibilidad ni Ka Amado, bukas sa mabilis na tagpo ng sibilisasyon, tulad nina Baudelaire, James Joyce, Ezra Pound, Ernesto Cardenal, o Aime Cesaire. Bagamat sa mga maselang pagkilatis nina Prop. Torres-Yu at Ka Bien Lumbera, at maging sa mga sinaunang diskurso ni Teodoro Agoncillo tungkol sa Bayang Malaya noong 1957, binansagang tradisyunal si Ka Amado. Matatanggap iyon kung ang nasasangkot lamang ay porma o hugis at balangkas ng mga tula hanggang 1951. Ngunit nag-iba ang mundo nang maikulong ang makata, tumalas ang krisis, at nagluwal ng bagong estilo ng pagsisiyasat at istratehiya ng pagtatanong.

Katatapos lamang ng giyera sa Korea, nagsisimula naman ang sagupaan sa Biyetnam. Ang krisis ay lumala. Nakasentro iyon sa kontradiksiyon ng kaugnayang panlipunan (mala-piyudal, tahasang neyokolonyal) at ang mga lakas sa produksiyon - laluna ang progresibong lakas ng masang Pilipino. Dinaliri ito ni Ka Amado sa tulang "Mga Muog ng Uri": "Kung bagaman bukambibig / na ang lantay na tuntuni't patakara'y ang matuwid..../ sa tunay na karanasa'y patumbalik kung maganap / at sa matang mapansinin ay baligtad ang daigdig...." Kontradiksiyon din iyon ng mga namanang paradigma ng kamalayang humubog sa kaisipan ng awtor at ang kinaharap niyang kabalintunaan ng karanasan at mga pangyayari sa panahon ng Cold War noong dekada ‘40 at ‘50, ang mabagsik na pagsugpo sa mapagpalayang lakas ng mga anak-pawis at makabayang panggitnang elemento. Ang kontradiksiyong iyon ay hindi maiiwasan, laluna ngayon, sa tunggalian ng makabayang puwersa at imperyalismong Amerikanong tagapagtaguyod ng mga reaksiyonaryong uri, sampu ng puwersa militar, pulis, at iba't ibang aparato ng Estado. Ito ang krisis pandaigdigan ng monopolyo kapital.

Ang mga epekto ng kontradiksiyong ito sa lipunan ay lantad, kadalasan ay tago. Ilan ay masisinag sa pagpapatuloy ng edukasyon at gobyerno sa Ingles, kaakibat ng mistipikasyong ideyalistiko, tulad ng namamayani rito sa E.U. Isang tanda nito ay ang patuloy na pagtatanghal (ng mga estyudanteng Fil-Amerikano) sa mga akda nina N.V.M. Gonzalez, Bienvenido Santos, F. Sionil Jose, at Jessica Hagedorn, sampu ng mga komersiyalisadong "Filipino cultural icons" na inilalako sa mga pistahang Pilipino, radyo, pelikula at telebisyon. Puwedeng baliwalahin ito, ngunit paano matatamo ang hegemonya ng proletaryo kung hindi tayo magsusulong ng ibang alternatibo, ng isang makamasang kultura? Hindi pa nakahulagpos ang mga kababayan natin, laluna ang "Overseas Filipinos," sa dekadensiya ng burgesyang kultura hanggang sa yugtong ito ng globalisadong imperyalismo at komodipikasyon ng seks, guniguni, at panaginip.

Isang bunga ng krisis ang di-mapipigil na pagbabago ng sining ng Pilipinong may sapat na kamalayan sa mga nangyayari sa mundo. Kaya nga lumihis si Ka Amado noon sa tradisyung nagmula pa kina Pedro Gatmaitan at Julian Cruz Balmaceda, bagamat namumutiktik ang mga gantimpala sa kanya ng mga konserbatibong grupo. Natural naman, bawa't kilos ng isang tao ay hitik ng kontradiksiyon. Kailangan samakawid ang isang inbentoryo, isang talaan ng mga ito.

Batay sa pangkasaysayang iskema ng ginagampanang papel ng intelektwal sa kolonisadong lipunan, naiwasan ni Ka Amado ang tadhana ng pagiging tradisyunal na intelektwal na ginamit ng kolonyal na estado, simbahan, at uring nagmamay-ari. Palibhasa'y sumunod siya kina Juan Abad, Pascual Poblete, Martin Ocampo, Teodoro Kalaw - mga peryodista't sedisyonistang artista - naging organikong intelektwal siya ng mga manggagawa't magbubukid, ng nakararami. Sa masaklaw na imbestigasyong ito, ang bitayan o bartolina ang siyang pinakamakatuturang metapora o trope na nag-uugnay ng indibidwal na kamalayan at lipunan, at ang pagwasak sa institusyong ito - ang pagburol sa burgesyang orden - ang siyang sagisag ng tagumpay ng uring anak-pawis na siyang kumakatawan sa malaya't makatarungang sistemang nakapaloob sa pusod ng mga kasalukuyang nagaganap. Ang bilangguan ay siyang realidad at sagisag ng sistemang dapat baguhin. Suriin ang tulang "Mga Muog ng Uri" at iba pang nasa katipunang Panata sa Kalayaan ni Ka Amado.

May limitasyon ang umiiral na iskolarsip at kritika tungkol kay Ka Amado. Mababaw pa at tila hindi masakyan ang diyalektikang metodolohiya ng panunuri. Nakaligtaang punahin ang modernismong tatak-Pilipino. Hindi nakuhang pahalagahan, halimbawa, ang impluwensiya ni Pablo Neruda at ang suryalistikong materyalismo sa mga tulang nakagrupo sa "Mga Bagay," at maraming tula sa Isang Dipang Langit. Noong siya'y nagsusulat sa Taliba at sa Ang Masa, laging hinihingi sa akin ni Ka Amado ang mga libro ni Pablo Neruda bukod sa mga progresibong katha ng mga insurektong sina George Jackson at Malcolm X.

Bukod dito, isa pang mabigat na huwaran kay Ka Amado ang panitik ni Nassim Hikmet, ang Turkong rebolusyonaryo. Kapwa Marxista-Leninista ang dalawang makatang ito, pero sa palagay ko ang namayaning gabay niya sa piitan ay hindi ang estetikong halimbawa ng mga manunulat kundi ang praktikang pakikibaka ng masa, ng mga unyon, estudyante, intelektwal, kabataan, na kinatawan, pansamantala, nina Claro Recto at Lorenzo TaƱada noong panahong kinagisnan ng mga sumanib sa Diliman Commune at First Quarter Storm, sampu ng mga aktibistang nabuwal sa panahon ng pakikibaka laban sa diktaduryang Marcos at mga tutang administrasyong humalili. Ang malikhaing praktika ng buhay panlipunan at ang takbo ng mga pangyayaring pandaidig, samakatwid, ang dapat tuunan ng pansin ng mapagpalayang kritiko.

Marami ang mga liham ni Ka Amado sa akin nang kasapi siya sa Taliba - inilalabas niya ang talastasan namin sa kolum niyang "Sarisari" mula 1962. Ilang tula ko ang inilabas niya sa Ang Masa noong 1969. Wala pang Internet e-mail noon. Sa kahilingan niya, sinulat ko noong 1965 ang "Afterword" sa nobelang Mga Ibong Mandaragit na inilunsad noong 18 Hulyo 1969; at noong panahon ng martial law, sumunod sa kabanata ko tungkol kay Ka Amado sa Radical Tradition in Philippine Literature (1971) ay ilang mga sanaysay na lumabas sa The Philippine Times (April-May 1979) sa Chicago at nirebisa para sa Toward a People's Literature (U.P. Press, 1984) na lumabas pagkaraang paslangin si Ninoy Aquino.

Nang ako'y umuwi noong 1966-1967, kababalik lamang ni Ka Amado mula sa Afro-Asian Writers' Emergency Conference sa Beijing. Naibalita niya ang mga pangyayari tungkol sa Great Proletarian Cultural Revolution, bukod pa sa mga anti-imperyalistang pagsisikap ng mga manggagawang pangkultura mula sa "pangatlong mundo." Samantala, sa panahong iyon, nailunsad na ang mga modernistikong eksperimento ng mga kabataan sa mga pahina ng Panitikan ni Alejandro Abadilla, at sa mga pahayagan ng Dawn - mga kalipunang pinamatnugutan nina Efren Abueg, Rogelio Mangahas, Pete Ricarte, Virgilio Almario, Ben Medina Jr., at iba pa.

Makaluma ba o tradisyunal si Ka Amado? Ang problematikong isyu na ito ay tiyak na hindi malulutas sa larangan ng diskursong pang-estetiko lamang. Hindi ito katanungan tungkol sa porma, hugis, anyo o balangkas ng tula o likhang-sining. Sa perspektiba ng materyalismong pangkasaysayan, ang halaga at kahulugan ng akda ay mababatid sa masalimuot na konteksto ng kanyang kalamnan - namamayani pa rin sa analitikong pagsisiyasat ang mga materyal na karanasan, ideya, damdamin, atbp. - na siya ngang nagbibigay-hugis sa akda. Sa ibang salita, ang mayama't samutsaring praktika ng buhay, sampu ng iba't ibang himig at kulay ng wika, ang dapat munang ipaliwanag. Anong pagtasa o pagtaya ang makakamit natin kung isasaisip na tinanggap ni Ka Amado ang premyong Balagtas Award mula sa neyokolonyal na gobyerno, at ang inanyayahang "Guest of Honor" sa paglunsad ng Mga Ibong Mandaragit ay walang iba kundi ang "American boy" na si Carlos P. Romulo? At ang pagiging "National Artist" niya ay biyaya naman ng diktaduryang Marcos? Dapat ba tayong magdalawang-isip at magduda?

Kung tutuusin, maraming ironya at kabalintunaan ang nakabalot sa usaping "Amado Hernandez." Bagama't nakatugma sa wika at sa kolonyalismong Kastila, ang usaping "Nick Joaquin" din ay may signipikasyong kahawig, lamang ay wala nang nagbabasa o sumusuri sa mga nobela't tula ni Joaquin. Mahabang diskusyon ito na hindi nararapat sa okasyong ito. Ngunit hindi dapat idambana at magkulto sa personalidad ng organikong intelektwal ng proletaryo tulad ng ginawi ni Ninotchka Rosca sa kalabisang pagtawag niya kay Ka Amado na "Grand Old Man of Filipino Letters" o "l'homme terrible of Philippine literature at whatever age." O magbigay ng kahina-hinalang parangal - wika nga ni Ka Amado, "tila balot ng sutla ang kamay na bakal ng paniniil" - ng Board of Judges ng Republic Cultural Heritage Award sa paghahambing kina Ka Amado at Jose Garcia Villa - wala na ba tayong ibang pamantayan o sukatan kundi si Villa?

Dahil sa lubhang sariwa, totoong madugo, ang mga debate tungkol kay Ka Amado, dapat dulutan ng ibayong sigasig ang pag-aaral sa mga komplikadong puwersang bumubuo sa sining ni Ka Amado, hindi lamang ang naitalang okupasyon, ang karanasan sa pulitika, at mga premyo niya. Ang istorikal na karanasan ng isang manunulat sa Pilipino na nakihamok sa panig ng rebolusyon ang dapat munang linawin, laluna ang situwasyon ng intelktuwal (tradisyonal o organiko, sa bansag ni Gramsci), at ang katayuan ng panitikan at kultura sa tunggalian ng mga uri.

Nais kong isusog ay ito: bago tayo magpasiya na sa kabuuan, ang sining ni Ka Amado ay tradisyunal sa porma at kumbensiyonal din sa mensaheng pampulitika, dapat natin masusing pag-aralan muna ang komplikadong larangang pang-ideolohiya na kanyang nilahukan. Halimbawa, ang editor na si Andres Cristobal Cruz, na naging masugid na alagad ng "Bagong Lipunan" ng diktaduryang Marcos, ay responsable sa kalipunang Panata sa Kalayaan ni Ka Amado. Ano ang epekto nito sa larangan ng kultura? Paano ito maikokompara sa edisyon ni Rosario Torres-Yu? Sino ang may kontrol sa diskurso tungkol kay Ka Amado? Nasaan ang mga iba pang dokumento tungkol sa pamamahayag ni Ka Amado? Bakit hanggang nayon ay walang malamang panunuring istorikal - bukod sa ilan-ilang nasulat nina Agoncillo, Lumbera, atbp. - sa mga kuwento, dula at mga sanaysay? Magandang tema sa pananaliksik ang kritikong katalinuhan ni Ka Amado na masasalamin sa sanaysay niyang "Ang Mga Bagong 'Propagandista': Panulatang Tagalog sa 1900-1941," o sa panayam na pinamagatang "Ang Pilipino sa Panitikan." Bakit napakadahop ng mga pag-aaral tungkol sa iba't ibang aspeto ng sining at buhay ni Ka Amado? Kapuna-punang wala pang mapapagkatiwalaang biograpi tungkol kay Ka Amado o masaklaw na bibliograpi ng kanyang sinulat at mga kritisismong nailathala sa iba't ibang lugar.

Isang talata na lamang at tapos na ang parangal ko kay Ka Amado.

Ang selebrasyong idinadaos niyo, sa palagay ko, ay kinakailangan laluna sa panahon ng giyera laban sa terorismo - ang tinutukoy ko'y terorismo ng imperyalistang E.U. at mga local na kasabwat. Mabuting kasangkapan at sandata ang panitik ni Ka Amado - kung ito'y ituturing na panghamon sa isang pambansang pagbabago at pagbabaguhang-buhay. Sa pagbunyi sa kanya ng Ateneo de Manila University, mababasa ang ganito: "Sa mga akda ni Amado v. Hernandez, mababakas ang dakilang tradisyong nagbangon sa apoy at dugo ng himagsikang humubog sa bansang Pilipino." Importanteng idiin ito at laging ituro sa lahat: na ang identidad ng bansa ay pinanday sa dapog ng rebolusyon, oo nga, sa "howling wilderness" ng Balangiga, ayon kay General Jacob Smith.

Ngunit sa tingin ko, ang malalim at pangmatagalang inspirasyong dulot ng kabuuang nagawa ni Ka Amado ay hindi pabalik o paurong na obsesiyon sa nakalipas kahiman dalisay o maluwalhati iyon. Manapa'y kabaligtaran. Sambit ni Ka Amado sa dulo ng nabanggit kong panayam, pagkatapos purihin ang magandang katangian ng mga tula nina Balagtas, Bonifacio, at Rizal: "Hinihintay siya [tulang Pilipino] ng dagdag na kabaguhan at kaunlaran, ng dagdag na kariktan at kabuluhan, hindi ng bahaghari kundi ng liwanag at buhay ng araw na magpapatingkad sa sining at kaligayahan ng tao, upang maging karapat-dapat sa walang maliw na bukal na kanyang pinanggalingan." Ito rin ang hagkis ng parirala sa nakakapukaw na "Panata sa Kalayaan": "Ang libong nasadlak sa mga piitan / na kawangis ko ring pinapagkasala'y walang kasalanan, / ang laksang inusig at pinarusahan.../ ang hindi mabilang / na pinaglupitan /sa bukid at nayon, sa lungsod at bayan..../ang mga nalibing nang walang pangalan / ni krus man lamang, /di makalilimot ni malilimutan, / at ang sigaw nila'y abot sa pandinig ng kinabukasan." Ulitin natin: "ang sigaw nila'y abot sa pandinig ng kinabukasan."

Nakaugat sa tradisyong mapagpalaya, walang pasubali ito, ngunit sa tingin ko, ang naghaharing motibasyon ni Ka Amado ay ang kolektibong pagsulong at pagsugod sa hinaharap, ang walang takot at intelihenteng paghawan ng landas tungo sa malaya't mabiyayang kinabukasan sa lupang ito. Ang oryentasyon ng panitik ni Ka Amado ay nakaturok sa isang rasyonalistikong paglikha ng bukang-liwayway ng bayang naghihimagsik. Mababanaagan ito sa huling tulang naisulat niya habang ang apoy sa Diliman Commune ay hindi pa napapawi, ang "Enrique Sta. Brigida: Paghahatid sa Imortalidad." Ang pananagutang naisakatuparan ni Ka Amado ay kawangki ng nasabi ni James Joyce, isang antikolonyalistang artista rin: ang humubog sa kinakailangang konsiyensiya ng kanyang lahi. Ang mga gunita at ispekulasyong naititik dito tungkol kay Ka Amado ay dapat magtulak sa proyektong pag-ibayuhin ang sama-samang pagtahak ng landas mula sa "isang dipang langit" ng neokolonya hanggang sa marating ang "bayang malaya," Pilipinas nating mahal. Bulatlat.com

================

*ABOUT THE AUTHOR

E. SAN JUAN, Jr. is director of the Philippines Cultural Studies Center. He was recently a fellow of the Center for the Humanities, Wesleyan University, and chair of the Department of Comparative American Cultures, Washington State University; and professor of Ethnic Studies, Bowling Green State University, Ohio. He was previously visiting professor of English and Comparative Literature at the University of Trento, Italy, and at the Graduate School of Tamkang University, Taiwan. He was the 2003 Fulbright professor of American Studies in Belgium (Leuven & Antwerp).

San Juan received his graduate degrees in English & Comparative Literature from Harvard University. He taught at the University of the Philippines, University of Connecticut, Brooklyn College of the City University of New York, and the University of California. He has received awards from the Rockefeller Foundation, Institute for Society and Culture (Ohio), MELUS (Multi-Ethnic Literature of the United States), Gustav Myers Human Rights Center, and the Association for Asian American Studies. He received a Centennial Award for Literature from the Cultural Center of the Philippines.

San Juan's most recent works are Beyond Postcolonial Theory (Palgrave), From Exile to Diaspora (Westview Press), After Postcolonialism (Rowman and Littlefield), and Racism and Cultural Studies (Duke University Press). His groundbreaking book, Racial Formations/Critical Transformations (Humanities Press), will soon be reissued with a new preface. His collection of recent essays entitled Working Through the Contradictions: From Cultural Theory to Critical Practice will be released next year by Bucknell University Press.

ito ay kinuha ko sa panulat ni E. San Juan Jr na taga Bulatlat